.b.e.y.o.n.d.f.i.l.m.s.a.n.d.p.i.x.e.l.s.a.n.d.f.i.l.m.s.a.n.d.p.i.x.e.l.s.a.n.d.b.e.y.o.n.d.


4.22.2007
panimulang tala sa ilang pakikipag-inuman sa 'sa piging'

Sa lugar na ito, na madalas ay nag-aamoy inidoro ang buong paligid, paulit-ulit na usapan ang ating pagmamadali dahil marahil tayo'y huli na.

Sa himpilang ito ng ating pagmamadali, nagtatalo tayo kung may katiyakang pag-urong o pagsulong sa ating pagsagwan; o kung umaahon tayo o dumadausdos sa ating paglalakbay.

Sa inumang ito, na walang tiyak na panangga sa biglaang bugso ng ulan, pinipilit nating i-ahon ang mga nalulunod na mga relasyon, hinihiling na may mamagitan sa magkabilang-panig ng ating pagdadalawang-isip.

Sa tahanang ito, nilulunod ng jukebox ang ating mga pangaral at parangal.

Sa bawat pagdating at pag-alis, nagsasara tayo ng mga bukas at nagbubukas tayo ng mga isasara.

Posted at 2:24:14 pm by jimmydomingo
[add a note]  




1.6.2006
isang sukatan ng buhay

madami-dami ding sumibol na talbos
sa mga tangkay ng bugambilya
na noong isang linggo
ay inakala kong tuluyan nang nagtampo
at nalanta nang lubos.
may bisa ang dasal
para sa halamang ito
na isa ding sukatan ng buhay
dito sa aming tahanan...

project 6, quezon city / 28 setyembre 2003

 


Posted at 8:47:49 am by jimmydomingo
[add a note]  




1.1.2006
mula sa likod ng bahay sa jones

dinadaig ng kulimlim na suson ng ambon
ang pilit humahaginit na raya ng bukanliwayway...

tila giniginaw ang ilog...

 


Posted at 6:37:18 am by jimmydomingo
[add a note]  




10.8.2005
kawalan

binabalot natin ng labi
ang mga bote ng serbesa
kapag di sinusuwerte
sa pag-igib ng pag-ibig

 


Posted at 10:18:36 pm by jimmydomingo
[add a note]  




9.14.2005
naaalaala sa sagada 1

idinuduyan ng mga bundok
and mga ulap na nakadantay
sa kanyang sinapupunan.

pinapasuso ng mga bukal
ang mga punong pino na nakatanod
sa kanyang mga payaw.
 
 

Posted at 2:34:41 am by jimmydomingo
[add a note]  




9.12.2005
sa eroplano tungong butuan

masinop na nakapila ang mga isla
patungong hilaga
pasan nila ang kanilang lawa, burol,
talampas, bundok, ilog
palayan, maisan, niyugan
at ang mga sambayanang
nag-aaruga sa kanila.

 


Posted at 10:45:51 am by jimmydomingo
[add a note]  




6.25.2005
pabaon

nasagap ko kamakailan lamang > ang balitang di mo yata isinusulat sa pahayagan > ikaw na naman daw ay aalis > at matatagalan ang iyong pagbabalik > ang iyong pupuntahang mga lugar ay malamig > hayaan mo at mag-iipon ako ng pabaong init

Posted at 11:25:48 am by jimmydomingo
added note (1)  




6.18.2005
pasting

hindi siya kumain
katawa'y pagagandahin.
   sa susunod na buwan
   irarampa ang mga bagong disenyo
   ng damit na galing sa ibang bansa.  

hindi siya kumain
pera'y iipunin.
   sa isang linggo
   dadalawin
   ang asawang ipiniit
   sa pagsali sa rali.

hindi siya kumain
protesta sa rehimen.
   bukas,
   unang anibersaryo ng pagpaslang
   sa kasintahang ang mata'y dinukot
   ng mga di-kilalang unipormado
   sa ngalan ng demokrasya.

hindi siya kumain
wala siyang kakainin.
   araw-araw
   kulang pa sa pamilya
   para sa isang seremonya
   sa hapag-kainan ang kita.

hindi siya kumain
nakaamba ang gawain.
   sinaklaw
   ng taktikal na opensiba
   ang oras
   ng kaning mais at ginamos.

(18 hunyo 1987)

Posted at 4:53:45 pm by jimmydomingo
added note (1)  




9.23.2004
sa tv noong setyembre 10

            helikopter.
'sandosenang helikopter and dumating
sa mga bayang nakalubog sa baha.
            lubog.
lubog na lubog
ang mga bayan sa baha.
            ibinaba.
ibinaba mula sa helikopter
ang mga bigas,
saku-sakong bigas.
            ipinagulong.
ipinagulong mula sa helikopter
and mga de-lata,
kartun-kartong de-lata.
            ipinakain.
maraming ipinakain
na kanin at de-lata.
            binusog.
binusog nang husto
ang mga matatanda't mga batang
nakalutang sa baha.
            lutang.
lutang na lutang
ang mga bata't matatanda sa baha.
            nabarahan.
nabarahan ng de-lata't kanin ang bituka
ng matatanda't mga batang nakalutang
sa mga bayang nakalubog sa baha.
            barado.
barado ang mga kanal
kaya lumubog ang mga bayan
at lumutang ang taumbayan.
            babaha.
babaha at babaha pa.

(Published in UP Diliman Review, Vol. 36 No. 5, 1988. Back cover.)

Posted at 4:01:02 pm by jimmydomingo
[add a note]  




9.8.2004
parausan

"... i do declare there were times that i was so
  lonesome and i took some comfort there..." -- the boxer

sa lilim ng punong nasa tabi ng kalye
may nakatayong disenteng babae
pakaway-kaway, ngingiti-ngiti
nag-aalala't may kalaliman na ang gabi
   dalawa daw niyang kapatid ay pinapag-aral
   dahil nasisante ang kanyang tatay
biglang nagkargasilya ang isang magarang lancer
bumukas ang bintana, dumungaw ang kustomer
kaagad niya itong nilapitan
gimik ng patron ay inalam
agad nagkasundo, konti lang ang usapan
   kailangan daw niya'y pauna sa ospital
   upang maipasok ang may sakit niyang nanay
sampung lilimampuin ang nasalok
para sa kaligayahang iniaalok
ang dilag ay nagmadaling sumakay
nang makaiwas sa parak at lagay
humagibis ang kotse, malamang pa-pasay
bukas,
tatayo uli
ang disenteng babae
sa lilim ng punong nasa tabi ng kalye
   habang walang trabaho ang kanyang tatay
   at nagpapagaling ang kanyang nanay
   ang babaing ito ay magsisilbing parausan
   nang ang kanyang pamilya'y makaraos din naman

/marso 13, 1988

Posted at 1:38:58 pm by jimmydomingo
added notes (2)  




Next Page


24 ORAS

sa mga gabi,
tulad ng kahapon,
na dumadalaw
ang antok
nang mas maaga
kaysa inaasahan,
kipkip ko
ang iyong alaala
sa pagtulog
ng mahimbing.

sa mga araw,
tulad ng ngayon,
na nag-aanyaya
ang antok
nang mas maaga
kaysa iniiwasan,
ang kipkip
kong alaala
ang aking
pampagising.


JIMMY ANCHETA DOMINGO was born in Jones, Isabela, near the foothills of the Sierra Madre mountains, by the Cagayan River, Philippines.


photographs

email


l i n k s :

Philippine Center for Photojournalism (PCP) Inc.

Romulo A. Sandoval Poetry

Condrado de Quiros



   

<< January 2012 >>
Sun Mon Tue Wed Thu Fri Sat
01 02 03 04 05 06 07
08 09 10 11 12 13 14
15 16 17 18 19 20 21
22 23 24 25 26 27 28
29 30 31


If you want to be updated on this weblog Enter your email here:




rss feed