hindi siya kumain
katawa'y pagagandahin.
sa susunod na buwan
irarampa ang mga bagong disenyo
ng damit na galing sa ibang bansa.
hindi siya kumain
pera'y iipunin.
sa isang linggo
dadalawin
ang asawang ipiniit
sa pagsali sa rali.
hindi siya kumain
protesta sa rehimen.
bukas,
unang anibersaryo ng pagpaslang
sa kasintahang ang mata'y dinukot
ng mga di-kilalang unipormado
sa ngalan ng demokrasya.
hindi siya kumain
wala siyang kakainin.
araw-araw
kulang pa sa pamilya
para sa isang seremonya
sa hapag-kainan ang kita.
hindi siya kumain
nakaamba ang gawain.
sinaklaw
ng taktikal na opensiba
ang oras
ng kaning mais at ginamos.
(18 hunyo 1987)
Posted at 4:53:45 pm by jimmydomingo
geraldine May 14, 2005 06:48 PM PDT bakit di mo ipinabasa sa akin ito dati? ikaw ha. kumusta ka na? text ka naman? bago na mobile number ko, change mo lang ng 778 yung last 3 digits ng dati.