I. Sa Otsuka Station
Sa kulay ng kutis
sigurado kong Pilipina siya
lumulutang siya sa alon
ng mga singkit na naghihintay ng tren.
di pa niya kabisado ang subway.
segu-segundo'y sinusulyapan niya
ang mapa ng mga ruta.
Sa loob ng limang minuto kaming nagtitigan
point blank.
Pagbaba sa Ueno
sinabayan ko siya; miss padaan.
sabi ko na nga ba't Pilipino ka rin!
ano ka dito? turista? photographer? TNT? OS?
photographer na naghahanap ng kwento,
nagmamadali ako, tatawagan kita,
bawal sa club, etong numero sa bahay.
II. Sa Isang Flat
Ang lahat ng makikita mo dito'y laman
ng kwento ng pinsan kong nauna sa akin na naparito:
malaking colored TV, washing machine, heater, cooler.
Refrigerator, magagarang damit, silk, cotton.
Sweatshirts, stockings, comfortable underwears, hot
and cold bath, soft beddings, instamatic camera,
pictures, parties, parks, masarap na buhay.
libu-libong yen.
Ang hindi niya naikwento:
Noong una'y tinuruan kaming magmasahe.
Ang binagsakan kong trabaho'y sa shower room.
Pagpasok ng kustomer, SOP,
hubo't hubad sila.
Titimplahin mo ang init at lamig ng tubig.
Sabunin sa talampakan, Sabunin sa paa.
Sabunin sa kamay, Sabunin sa lahat.
sa puwet, sa singit, sa bulbol, sa titi, (minsan
may nagre-request tagalan ng konté ang pagsabon)
sa kilikili, sa leeg, sa tenga, sa mata.
sa ilong, sa bibig, sa buhok.
Titimplahin mo uli ang init at lamig ng tubig.
Iskobahin sa talampakan, Iskobahin sa paa.
Labakarahin sa kamay, Labakarahin sa lahat.
sa puwit, sa singit, (hindi na sa bulbol, hindi
na sa titi, hindi na sa kilikili, sa leeg, sa mata.
sa ilong, sa bibig, (hindi na rin sa buhok.)
Titimplahin mo uli ang init at lamig ng tubig.
Pusitsitan sa lahat, Mula sa talampakan
hanggang sa kaduluduluhan ng pinakamahabang buhok.
Pauupuin parang bata.
Balik sa unang step.
Sabunan, (kasama na diyan ang murahan.)
Minsan, limang beses kang babalik.
Shampoohin sa buhok, sa kilikili.
Sa bulbol, minsan sampuhan ang shampoohan.
Pusitsitan, Buhusan, Pusitsitan, Buhusan.
Pinakamatagal ang trenta minuto bawat isa.
Dalawang buwan na ako rito.
Marami pang mangyayari.
Pagbalik ko sa Pilipinas,
hinding-hindi ko ikukwento ang shower room.
Ang ikukwento ko'y replay
ng kwento ng pinsan ko,
kwentong nang-engganyo
sa aking pumarito rin.
III. Sa Pilipinas
Kung ang ikukwento mo, Jennylin,
ay ang kwento ng pinsan mo,
kung ang ikukwento ng makarinig sa iyo
ay ang kwento mo na kwento ng pinsan mo,
kung ang ikukwento ng makarinig sa nakarinig sa iyo
ay ang kwento ng nakarinig sa kwento na kwento ng pinsan mo,
sino'ng magkukwento sa Pilipinas
ng shower room sa Japan?
Sana naikwento ko.
Oktubre 25, 1987 / Tokyo, Japan
> Pangatlong Gantimpala - Gawad Carlos Bulosan (National Poetry Contest on OFWs) 1990. Published
in the Cultural Center of the Philippine Literary Anthology ANI #23 1997.